Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat
na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang
nagpapakababa.
Pagninilay
“Pagkilos ng Diyos sa buhay natin.” “Kinuha ni Noemi ang sanggol, kinalong sa kanyang kandungan, at inalagaan. Sinabi ng mga kapitbahay na babae: “Nagkaanak ng lalaki si Noemi. At pinangalanan nilang Obed ang bata. Siya ang ama ni Jese na ama naman ni David.” Malagim ang kuwento ng buhay ni Noemi. Namatay ang kanyang asawa, pagkatapos namatay din ang kanyang dalawang anak na lalaki. Binigyan niya ng kalayaan na umuwi na sa kanila ang kanyang manugang na sina Ruth at Orpha. Umuwi nga si Orpha sa kanyang original na pamilya subalit pinili ni Ruth na samahan ang kanyang biyenang si Noemi at sinabi niya: “Saan ka man pumunta, doon ako pupunta. Ang iyong Diyos ay aking magiging Diyos! Ang apo ni Noemi ay si Obed na ama naman ni Jese na ama naman ni David. Nawala ang kanyang asawa at dalawang anak, subalit sa kanyang katandaan, binigyan pa siya ng apo na magiging bahagi ng ninuno ni Jesus. Kung minsan ang Diyos ay nagsusulat ng tuwid sa pamamagitan ng balubaluktot na sulatin (Sometimes God writes straight using crooked lines!) Kapatid, may tiwala ka ba sa pagkilos ng Diyos sa iyong buhay?
© Copyright Pang Araw-araw 2025