Ebanghelyo: Mateo 23:13-22
Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok.
Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagkapaniwala niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo. Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi ninyong ‘Walang bisa kung sa Templo nanunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.’ Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa altar manunumpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
Pagninilay
“Ang kadakilaan ng pagmamahal ng Diyos.” Ang pananampalataya ay may
tatlong mahalagang elemento: pananaw, pagdamdam, at pagtataya. Ang pananampalatayang Kristiyano ay may kakaibang pananaw sa Diyos. Siya ang Diyos na lumikha ng lahat ng bagay sa mundo, iisa siyang Diyos at wala nang iba pa (monotheism). Di tulad na maraming primitive religions na naniniwala sa maraming diyosdiyosan (polytheism). Siya rin ang Diyos na Makapangyarihan at malayo sa antas ng tao (transcendent) subalit siya rin ang Diyos na Malapit sa tao (immanent). Isinugo niya ang kanyang Bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya ay di mapahamak kundi
magkamit ng buhay na walang hanggan. May pandamdam na tumutuloy sa ating pananalig (trust) sa Diyos na nagliligtas. Sa kanya tayo nagtitiwala hindi sa makamundong kapangyarihan, kayamanan, katanyagan. Tayo’y
mga anak niya na taimtim na tumatawag ng “Abba” (Father). May pagtataya dahil tayo ay kumikilos ayon sa pamantayan at prinsipyong itinuro sa atin ni Jesus. Nabubuhay tayo para magmahal dahil naranasan natin ang kadakilaan ng pagmamahal ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025