Ebanghelyo: Mateo 23:23-26
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu, ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na
tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok, pero nilulunok ang kamelyo. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.
Pagninilay
“Malasakit ng ina sa minamahal na anak.” “Sa halip kami ay naging magiliw sa inyo gaya ng ina na nagpapasuso at kumakandong sa kanyang sanggol. At sa laki ng aming malasakit sa inyo, handa naming ibigay sa inyo, hindi lamang ang Ebanghelyo, kundi ang sariling buhay sapagkat totoong mahal namin kayo.” Maramdaming ipinahayag ni Pablo ang damdamin ng isang apostol, ito’y tulad ng malasakit ng isang ina sa kanyang mahal na anak. Kung paanong pinapakain at inaalagang mabuti ng isang ina ang kanyang anak, gayundin naman ang ginagawa ng isang apostol ni Kristo. Dinagdagan pa ni Pablo na hindi lamang ebanghelyo kundi para sa kanila ang sariling buhay ay handang ialay sa mga Kristiyanong tumanggap kay
Kristo. Ang ganitong damdamin ay ang espiritwalidad ng isang Martir, isang testigo na handang ibuhos ang dugo at ialay ang katawan para kay Kristo. At ganito ang mangyayari sa Roma matapos ang paglilitis kay Pablo, iaalay niya ang buong buhay para kay Jesus. Kapatid, handa ka bang tularan si
Pablo sa kanyang pag-aalay?
© Copyright Pang Araw-araw 2025