Ebanghelyo: Mateo 25:14-30
Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibangbayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis.
Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi: ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi:
‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo’y tumubo pa ako ng dalawang talento.’ Ang sabi ng amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang
talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. Natakot ako kaya itinago ko ang iyong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong, alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.
Pagninilay
“Mahalin ninyo ang bawat isa.” “Naturuan na kayo ng Diyos ng pagmamahal sa isat-isa. Ginagawa na nga ninyo ito sa mga kapatid
na nasa buong Macedonia.” Saan natin natutuhan ang magmahal? Una, mula sa ating mga magulang. Nadama natin ang kanilang pagmamahal mula sa pagkabata natin hanggang sa ating paglaki. Sa school, naturuan
tayo ng ating mga guro na magmahal sa isat-isa lalo na yung mga mas nangangailangan ng ating malasakit. Sa simbahan, ating natutunan na ang Diyos ay pag-ibig at ang pag-ibig na ito ay ipinakita ng ibinigay ng Diyos
Ama ang kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Jesus. Siya ang nagsabi na may bagong panuntunan ang magmahal: Mahalin ninyo ang bawat isa tulad ng pagmamahal ko sa inyo. Paano ba ipinakita ang kanyang pagmamahal: sa Krus ng Kalbaryo. Sa Krus, makikita ang pagmamahal
na di makasarili kundi nakatuon sa kaligtasan ng minamahal. Sa krus naroon ang pagmamahal na nagaalay at nagsasakripisyo hanggang
kamatayan. Sa Krus naroon ang pagmamahal na nagpapatawad. Ganito ba tayo magmahal?
© Copyright Pang Araw-araw 2025