Ebanghelyo: Mateo 9:27-31
Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” At sumagot sila: “Oo, Ginoo!” Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Magingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.
Pagninilay
“Ang biyaya ng Diyos ay tinatanggap ng may kababaang-loob.” Nang makakita ang mga bulag nalubos ang kanilang pasasalamat at ito ay ipinahayag nila sa kabila ng tagubilin ng ating Panginoon. Ang biyaya ng Diyos ay tinatanggap ng may kababaang loob. Dapat din natin isaalang-alang ang mga taong marahil ay nababalot ng inggit o hinanakit dahil sa labis nating pagkagalak sa ating mga biyaya. Minsan isang gawang pag-ibig din ang makidalamahati sa mga taong hindi pinalad na makapasa sa isang pagsusulit na kaparehas nating kinuha. Kahit galak na galak tayo sa ating pagkapasa tahimik natin itong ipagdiwang dahil may taong hindi pinalad na makuha yung saya na meron tayo. Ang mga monghe na nabubuhay
sa malalim na pakikipagugnayan sa Diyos ay hindi kailangang magsisigaw tungkol dito. Ang kapayakan ng tahimik na buhay sa monasteryo ay maalingawngaw na pagpapahayag ng kabutihan ng Diyos. Wika ni San Francisco ng Asisi, “Mangaral tayo, magsalita lamang kung kinakailangan”. Ang buhay natin ay dapat isang pangangaral. Kung ang mga bulag na ito ay nagpuri sa Diyos at hindi na nagpahayag pa marahil mas hahangaan ng tao na makita silang gumaling na, sa pagkabulag kahit hindi sila magkwento. Ang kalooban natin ang templo ng Diyos. Ito ang tunay na nagpapahayag ng kadakilaan niya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




