Ebanghelyo: Mateo 9:35—10:1, 5a, 6-8
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan” Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.
Pagninilay
“Tumulong sa mga naghihikahos.” Hindi imposible ang pagaabot ng tulong sa mga taong naghihikahos lalo’t higit sa mga maysakit kung ang ating paiiralin ang habag na ipinakita ni Jesus sa mga tao. Batid niya ang kanilang kalagayang hirap at lupaypay kaya’t lubha siyang nahabag. Matapos idalangin ni Jesus na magpadala ng mga manggagawa, pinili niya ang labindalawang apostol upang magpagaling sa mga maysakit at may karamdaman. Hindi sinabi ni Jesus na magdasal lang tayo para sa mga taong maaaring tumulong sa mga naghihikahos at nangangailangan ng tulong. Kagaya ng mga apostol binigyan tayo ng Panginoon ng iba’t-ibang pamamaraan at kapangyarihan hindi para sa ating mga sariling kaalwanan kundi upang ibahagi ito sa iba lalo’t higit ang mga nawawalan ng landas sa buhay. Isinusugo tayo ng Panginoon upang sa pamamagitan natin ay makapag-abot tayo ng tulong at habag sa abot ng ating makakaya. Nang sa gayon ay maipalaganap natin ang paghahari ng Diyos. Maging bukas nawa tayo sa pangangailangan ng ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





