Ebanghelyo: Mateo 3:1-12
Nang panahon ding iyon, dumating sa disyerto ng Judea si Juan Bautista at nagsimulang magpahayag: “Magbagong-buhay kayo, lumapit na ang paghahari ng Langit!” Siya ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niyang: “Naririnig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.” Balahibo ng kamelyo ang suot ni Juan; at may sinturong katad sa baywang, at balang at pulot-pukyutang-gubat ang kinakain. May mga taga-Jerusalem, taga-Judea at mula sa buong rehiyon ng Jordan na pumunta sa kanya. Inaamin nila ang kanilang mga kasalanan at binibinyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan. Nang makita niya na lumalapit sa kanya ang ilang Pariseo at Sadduseo para magpabinyag, sinabi niya: “Lahi ng mga ulupong! Sino ang nagsabi sa inyong matatakasan ninyo ang darating na paghatol? Patunayan ninyo ang inyong pagbabagong-buhay, at huwag ipagyabang na ‘si Abraham ang ama namin.’ Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito’y makagagawa ng mga anak ang Diyos para kay Abraham! Nakaamba na ang palakol sa tabi ng ugat ng mga puno – para sibakin ang alinmang punong hindi namumunga ng mabuti, at itatapon ito sa apoy. Sa tubig ko kayo binibinyagan para sa pagbabagong-buhay pero kasunod kong darating ang isang makapangyarihan pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat magdala sa kanyang sandalyas. Bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya ang nakahandang magtahip sa lahat ng butil ng trigo. Lipunin niya ang lahat ng butil sa kanyang kamalig ngunit susunugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.”
Pagninilay
“Iwan ang inyong mga kasalanan.” “Ihanda ang daraanan ng Panginoon: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas”. Binibigyang diin ni San Juan Bautista ang ganap na pagsisisi. Ito ang muling pagyakap sa pakikipagkaibigan sa kanya. Binubuo ito ng pagtalikod sa ating kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Hindi mo pwedeng sabihin na magbabalik-loob ka sa Diyos pero, hindi mo maiiwan ang iyong mga kasalanan. Kasi, paano ka makakalapit sa Diyos kung nakakapit ka sa iyong mga kasalanan. Dahil minsan tinatakpan natin ng pakitang-tao lamang ang ating paglilingkod upang hindi masiwalat ang ating mga ginagawang kabuktuan. Hindi pwedeng pagsamahin ang liwanag sa dilim. Hindi mo pwdeng paghaluin ang kabutihan sa kasamaan. At ang pagsisisi ay laging may kaakibat na PEACE OF MIND. Sa ginagawa nating paghahanda ngayong panahon ng Adbiyento, ano pa ang mga kasalanang hindi natin naikukumpisal at handa nating talikuran? Hilingin natin ang biyaya ng iyos upang ganap nating makamtan ang tunay na pagsisisi.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





