Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
“Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Ano ang iyong gagawin kung sakaling makatanggap ka ng isang nakakagulat na balita? Madalas ay pinangungunahan tayo ng takot at hindi natin alam ang ating gagawin. Tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang isang napakadakilang tungkulin ayon sa sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot Maria, dahil may Magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanang mong Jesus”, Si Maria ay natakot din, nagulumihanan dahil hindi niya lubos maunawaan ang lahat-lahat. Subalit dahil sa Dalisay niyang kalooban at lubos na pagtitiwala sa Diyos, tinanggap niya ang napakalaking tungkulin kaya’t binigkas niya: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi”. Ang taong lubos na nagtitiwala sa Diyos ay naniniwalang walang imposible sa Diyos. Kayang magbigay ng Diyos ng mga himala kung paanong ginawa niya ito sa Mahal na Ina. Sa mga pagkakataong nawawalan ka na ng pag-asa at nagugulumihanan sa iyong buhay ang Diyos nawa ang maging rason natin upang magpatuloy dahil hindi kailanman pababayaan ng Diyos ang sinumang naniniwala at nagtitiwala sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





