Ebanghelyo: Lc 1: 26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.“ (…) At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. (…)“ Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?“ At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. (…)“ Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.“ At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
Sa araw na ito, ipinagdir iwang at pinatotohanan na ang Mahal na Birheng Maria, sa unang pagkakataon ng kanyang paglilihi, ay malaya at walang bahid o dungis ng orihinal na kasalanan. Kaya naman si Maria ang piniling magdala sa kanyang sinapupunan at magsilang kay Jesus, and Anak ng Diyos at Tagapagligtas nating lahat. Si Papa Pius IX ay opisyal na iprinoklama noong Disyembre 8, 1854 ang Imakulada Konsepsyon bilang isang dogma ng Simabahan. Nang ang Mahal na Birheng Maria ay nagpakita kay Santa Bernardita Soubirous, ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang ang Imakulada Konsepsyon. Ang kapistahan na ito ay nagpapahayag na si Maria ay tunay na napupuno ng grasya ng Diyos. Ipanalangin natin na sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, ang Imakulada Konsepsyon, ay patuloy na dadaloy ang awa, grasya at pagpapala ng Diyos sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024