Ebanghelyo: Mateo 11:11-15
Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juan tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng Langit ay kailangang agawin, at ang mga buo ang loob ang umaagaw nito. Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At kung gusto ninyo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.
Pagninilay
“Ako mismo ang tutulong sa iyo.” Binibigyan diin ang kadakilaan ni Juan Bautista sa mabuting balita. Namuhay siyang mahirap. Inialay niya ang kanyang buong pagkatao upang maging kasangkapan ng pagdating ni Jesus. Hindi siya natakot na sabihin ang maling ginagawa ni Herodes. Hanggang sa siya ay ipakulong at pugutan ng ulo. Sinabi rin sa mabuting balita na mas dakila kay Juan ang pinakamaliit sa kaharian ng langit. Madalas natatakot tayong gumawa ng mabubuting bagay dahil ang pakiramdam natin, tayo ay napakababa at pinaka-aba. Bumabagsak ang isang tao hindi dahil mahina siya at mababa bagkus ay lagi niyang tinitingnan na napakataas niya. May pangako ang Diyos sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, pagkat ako mismo ang tutulong sa inyo”. Mula sa pagiging wala, ikaw ay gagawin ng Diyos na isang pagpapala. Posible ito dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ang maghahari sa lahat. Hindi man tayo karapat-dapat. Hindi man natin pinaghirapan ito, kusang-loob itong ibibigay ng Diyos. Tinawag ka ng Diyos para maging dakila kung ikaw ay magpapakababa. Kababang-loob ang pundasyon ng kadakilaan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





