Ebanghelyo: Mateo 21:23-27
Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?” Sinagot sila ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kanya?’ At kung sasabihin naman nating ‘Galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan,’ dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan.” Kaya sinabi nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay
Tinatawag tayo sa panahon ng Adbyento na bumalik sa Panginoon at magbagong buhay. Ngayong araw ng kapistahan ni San Juan de la Cruz, matutunan natin ang kanyang malalim na karanasan sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang klasikong gawa, Dark Night of the Soul (Ang Madilim na Gabi ng Kaluluwa). Ayon sa kanya, kahit ano man ang nararamdaman mo, hindi ka itinapon ng Diyos. Sa halip, nais ng Diyos na tayo’y maging banal. Nililinis Niya tayo sa panahon ng ating kawalan at kadiliman at doon natin masusulyapan ang Kanyang dakilang pagmamahal sa paraang ‘di natin inaasahan. Mahalagang isipin natin na ginagamit tayo ng Diyos hindi sa kadakilaan, kundi sa pagpapakumbaba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020