Ebanghelyo: Mateo 21:23-27
Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?” Sinagot sila ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbi-binyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kanya?’ At kung sasabihin naman nating ‘Galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan,’ dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan.” Kaya sinabi nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin asabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay
“Manindigan para sa katotohanan.” Marami sa mga tao ngayon, na dahil sa takot na mahusgahan ng mundo, kahit alam nila ang dapat panigan, mas pinipili na lamang nilang isantabi ang katotohanan. Sa tuwing tayo ay susubukin para manindigan sa isang bagay na mahalaga lalo’t higit sa ating pananampatalaya, pinipili na lamang natin na manatili sa isang ligtas na kasagutan. Katulad ng mga punong pari sa ebanghelyo, makikita natin na sa katanungang sila rin ang nagsimula, alam nila ang tunay na kasagutan, pero dahil alam nilang kapwa sila mapapahamak, mas pinili na lamang nilang sagutin na wala silang alam. Ngayong gabi ang simula ng simbang gabi, kultura at parte ng pananampalatayang Katoliko lalo’t higit ng mga Pilipino. Maaring mahulog tayo na itanggi ang pananampalataya natin dahil sa mga tukso ng mundo. Magandang ipaalala sa atin na maaring ngayong mga darating na araw ay mahulog tayo para sa isang katanungan na alam natin ang kasagutan. Ang ating pananampalataya ay masubukan sa pagsagot sa katotohanan. Nawa, tulad ng salmista, hilingin natin na gabayan tayo ng Diyos sa landas patungo sa Kanyang kaluwalhatian. Mahirap mang maninidigan, panghawakan natin ang kapangyarihan ng Diyos ng katotohanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





