Ebanghelyo: Mateo 21:28-32
Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay ninyo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang nak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pu-munta.” At itinanong ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mgababaeng bayaran. Nakita ninyo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.
Pagninilay
“Ubasan ng pagmamahal.” Marahil ay narinig mo na rin ang katagang “puro ka salita, kulang ka naman sa gawa.” Madalas natin itong marinig sa tuwing may mga taong hindi tumutupad sa kanilang binitiwang mga salita. Sa ating mga pagbasa, makikita natin kung paanong ang unang anak na puro salita at wala namang gawa ay hindi kinalugdan ng Diyos mas kalugod-lugod sa Diyos ang sa salita at gawa ay tumutupad at tumutugon sa kabutihan ng Diyos Ama. Sa tuwing katapusan ng bawat misa, tumutugon tayo ng ‘salamat sa Diyos’ sa tuwing babanggitin ng pari ang paghayo. Madalas, ang ilan sa atin ay hindi lubusang naunawaan kung ano nga ba ang ating pagtugon na ito. Ito ay isang paanyaya ng Diyos na sa ating paghayo, baunin natin ang misyon na ipamahagi sa iba ang mga aral na ating natutunan at ang pagmamahal na ating naranasan. Magandang mapagnilayan natin ngayong kapaskuhan kung tayo nga ba ay nagiging tapat pa sa mga binibitawan nating tugon o tayo ay katulad na din lamang ng mga magagaling lang sa salita pero kulang sa gawa. Mapagsumikapan nawa nating tugunin ng buong-buo ang paanyaya ng Diyos Ama na magtrabaho sa Kanyang ubasan ng pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





