Ebanghelyo: Mateo 1:1-17
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina. Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias. Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob ang ama ni Jose ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa
Kristo.
Pagninilay
“Ang Diyos ay tapat sa kanyang pangako.” Marahil marami na tayong narinig tungkol sa kwento ng tagumpay. May mga pagkakataon na hindi natin inaakala na maaabot ng isang tao ang katagumpayan dahil sa antas ng pamumuhay, pisikal na kakulangan o kalabisan at madalas, dahil sa pinagmulang nakaraan. Nagugulat na lamang tayo sa kung paanong sumibol sa isang hindi perpektong nakaraan ang isang kabutihan at katagumpayan. Tulad ng ating ebanghelyo ngayon, kung babalikan natin ang bawat antas at pamumuhay ng mga pinagmulan ni Jesus, malalaman natin na hindi perpekto ang awat tao sa kwento. Kung babalikan natin ang mga babaeng nabanggit maliban kay Maria; si Tamar na dahil sa pagkadesperadong magkaanak, inakit ang kanyang biyenang si Judah. Si Rahab na isang bayaran; si Ruth na namatayan ng asawa at biyenan; at huli ay si Bathsheba na naging isa sa mga asawa ni David. Kung makikita natin, tunay na hindi perpekto ang buhay na pinagmulan ni Jesus. Maaring ang iba sa atin ay nagulat sa kung paanong umusbong ang isang Diyos mula sa kadiliman ng Kanyang nakaraan. Nawa, magsilbi itong paalala na anuman ang buhay natin sa nakaraan, ang Diyos na isisilang ay tapat sa Kanyang pangakong kaluwalhatian. Kaya gulatin mo ang mundo sa kaya Niyang gawin sa iyong buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




