Ebanghelyo: Mateo 1:18-25
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya
ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.” Kaya
pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong Jesus.
Pagninilay
“Hayaan ang Diyos na masunod sa buhay natin.” Napakinggan natin ang pagOo ni Maria sa Diyos sa ating Ebanghelyo. Dahil sa pag-oo ni Maria, nabigyang daang matupad ang Banal na Kalooban ng Diyos para sa ating lahat. Dahil sa pag-oo ni Maria, tayong lahat ay nabuhay at nailigtas sa pamamagitan ni Jesus. Siya ang bagong “Eba’, sa pagiging mapagpakumbaba ng ating Mahal na Ina at pagsunod sa kalooban ng Diyos siya ang naging daan upang makamit natin ang buhay na walang hanggan sa papamagitan ni Jesus. Hindi ito madali Kay Maria pero naniwala si Maria na may magandang plano ang Panginoon para sa kanya kahit pa hindi niya ito lubos na maunawaan. Ngunit hinayaan niya ang Diyos ang masunod sa Kanyang nais. Hindi siya nagreklamo o hindi sumunod sa gusto ng Diyos pero buong puso nya itong sinunod na walang pag-aalinlangan. Siya ang isang magandang halimbawang tagasunod ng ating Diyos, At Gaya ni Maria, kailangan hayaan natin ang Diyos ang masunod sa ating buhay, bawat gawa in at plano sa buhay ay kailangan nating ialay sa Kanya Gaya ng ginawa ni Maria.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




