Ebanghelyo: Lucas 1:57-66
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Naka-pagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
Pagninilay
Ang pagsilang ni San Juan Bautista mula sa isang baog at matandang babaeng si Elizabeth ay nagsasaad ng isang maliwanag na mensahe – siya’y may mahalagang papel sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Sa mundong ating ginagalawan ngayon kung saan labis ang karahasan, hidwaan at kahirapan, kinakailangan natin ang kaligtasan ng Diyos kasabay ng ating pagkilos. Ang kalooban Niya’y ang mundo’y mailigtas at magkaroon ng isang mapayapang pagtatapos. Di man kasing bigat ang misyon natin tulad ni Juan, nawa’y gawin natin ang anumang maaari nating magawa sa tulong ng Panginoon. Tayo ay magpasalamat sa Kanya at hilingain nating palakasin niya ang ating pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020