Ebanghelyo: Lucas 1:57-66
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Na-rinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsa-lita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasa-kanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
Pagninilay
“Ang Diyos ay mapagbigay.” Ang unang pagbasa ay nagsasalaysay ng pangako ng pagbabalik ng tagapagligtas at ang paghahanda para sa kanyang pagdating. Makikita natin ang pangyayaring ito sa ebanghelyo noong isilang si Juan Bautista na anak nina Zacarias at Elisabet. Ang pangyayaring ito ay nagbukas ng landas para sa pagdating ng Mesiyas. Maaari nating unawain na ang pangako ng Diyos sa unang pagbasa ay natupad kay Juan Bautista na nagsilbing tagapaghanda ng landas para kay Jesus. Ang pangalang “Juan” ay nangangahulugan na “Ang Diyos ay mapagbigay”. Ito ay nagpapahayag ng biyaya at pagmamahal ng Diyos sa ating mga buhay. Sa bawat pagbibigay natin ng pangalan, ang Diyos ay nagbibigay din hindi lamang ng personal na pagkakakilanlan kundi pati na rin ng isang misyon. Tulad ni Juan Bautista, tayo rin ay may misyon na maging handa sa pagtanggap kay Jesus sa ating mga puso. Ang pagtanggap natin sa kanya at ang pagsunod natin sa kanyang mga utos ay nagbibigay daan upang maipadama natin ang kanyang mapagbigay na kamay sa ating kapwa. Sa paglalakbay natin sa buhay, maging inspirasyon nawa natin ang pangalang “Juan” para patuloy tayong maging instrumento ng Diyos upang maipaabot sa ating kapwa ang kanyang grasya at pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




