Ebanghelyo: Juan 1:1-18
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita,at Diyos ang Salita.Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula
sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang Luwalhati, Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan. Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y siya na’.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat oo, abut-abot na kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahangloob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama ang nagpahayag sa kanya.
Pagninilay
“Isinilang ang Anak ng Diyos.” Ang mga pagbasa sa araw na ito ay nagbibigay daan sa kagalakan ng Pasko ng Pagsilang ni Jesus. Sa araw na ito, ipinapakita ng Diyos ang kanyang matimyas na pagmamahal sa atin. Sa kabila ng kanyang pagiging Diyos, ipinanganak siya sa simpleng sabsaban at nakipamuhay sa piling natin. Ang pagdating ni Jesus sa mundo ay isang malaking regalo at isang lihim na ipinakita ng Diyos sa ating lahat. Ang pag-ibig at biyaya na taglay ni Jesus ay pinaka-puso ng kahulugan ng Pasko. Isa lang ang diwa ng Pasko, at iyon ay walang iba kundi ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Ang pagbibigay ng Diyos ng kanyang sariling Anak bilang pag-asa ng sangkatauhan ay ang pinakamagandang aspeto ng pagdiriwang ng Pasko. Ang Pasko ay hindi lamang panahon ng pagtangggap at pagsasaya kundi panahon din ito ng pagbibigayan at pag-aalay hindi lamang ng mga materyal na bagay tulad ng pera kundi pati na rin ng panahon, pagmamahal, at pag-unawa sa isa’t isa. Sa pagdiriwang na ito, mas lalo pa sana nating maunawaan at pahalagahan ang diwa ng pagibig, pagpapatawad, at pag-asa na dala ng pagsilang ng ating Panginoong Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




