Ebanghelyo: Mateo 10:17-22
Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas.
Pagninilay
Sa unang Pasko, pumanaog ang langit sa lupa at umakyat naman ang lupa sa langit. Sa pagbaba ni Jesus dito sa mundo, binuksan niya ang daan para sa kanyang mga tagasunod upang makamtan ang buhay na walang hanggan. Ginugunita natin ngayon si San Esteban, ang unang martir na naluklok sa langit. Magmula noon hanggang ngayon, napakarami nang mga martir na nag-alay ng kanilang buhay para sa pag-ibig sa Panginoon. Di man tayo tinawag na mamatay katulad nila, ngunit tinatawag tayong buhayin ang ating pananampalataya sa Diyos ng buhay at pag-ibig kanino man at saan mang dako ng mundo tayo mapadpad.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020