Ebanghelyo: Juan 20:1a at 2-8
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok.
Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala.
Pagninilay
Kahapon ay inalala natin si San Esteban na pinatay dahil sa kanyang patotoo kay Jesus. Bakit kaya may mga tao na nagagawang tanggapin ang kamatayan nang bukal sa loob? Hindi ba sila natatakot? O baka naman mayroon silang kinasasabikan na makakamit pagkatapos ng kamatayan? Iba sila kaysa sa atin. Anong meron sila na wala sa atin?
Sa Ebanghelyo isinasaad ang pagpunta nina Juan at Pedro sa libingan ni Jesus at doon ay hindi nila nakita ang bangkay ni Jesus kundi tanging mga tela lamang na ibinalot sa kanya. Pagkakita ni Juan ng mga ito ano ang sinasabi ng Ebanghelyo tungkol sa kanya? “Nakita niya at siya’y naniwala.”
May mga taong naniniwala na may Diyos, na sinugo ng Diyos si Jesus upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan at pagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan sa kabila ng kamatayan. Ito ang pinanghahawakan ng mga taong hindi natatakot mamatay. Nagtitiwala sila na daratnan nila ang mas maganda, mas mapayapa at mas maligayang buhay kasama ng Diyos. Ikaw, pinaniniwalaan mo ba ito?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022