Ebanghelyo: Mateo 2:13-18
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa- Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”
Pagninilay
Panandalian lamang ang kagalakan ng kapanganakan ni Kristo. Ang krus ay kaagad nagsimula nang siya’y pinahanap ni Herodes upang patayin. Kaya naman napilitang tumakas sina Maria, Jose at Jesus sa Ehipto ayon sa gabay ng anghel. Panginoon, nakakalungkot isipin na patuloy pa rin ang nangyayaring pagkitil ng buhay sa mga inosenteng sanggol at bata sa mundo ngayon. Ang mga hangal na pinuno’y nagbabantang wasakin pa ang sangkatauhan sa walang pagtigil na paglikas ng mga migrante sa iba’t ibang bansa upang takasan ang kahirapan, karahasan, mga trahedya at mga batas na di-makatao laban sa dignidad ng bawat nilalang sa mundo. Sa mga panahong humaharap tayo sa mga ganitong pagsubok, nawa’y manatili sa atin ang pag-asang dulot ng pagsilang ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020