Ebanghelyo: Mateo 2:13-18
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa- Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.”
Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto.
Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”
Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas.
Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”
Pagninilay
Inaalala natin ngayong araw ang mga musmos na pinatay ni Herodes sa pag-aakala na kasama si Jesus sa mamamatay. Natakot si Herodes na baka paglaki ng batang ito ay aagawin sa kanya ang kapangyarihan. Hindi napasama si Jesus sa mga napatay dahil itinakas siya ni Jose patungong Ehipto. Kawawa ang mga bata sa nangyaring ito, lalo na ang mga ina na nagdala sa kanila sa sinapupunan. Maaaring nagtanong ang mga ina noon sa Diyos. Bakit ang kanilang mga supling ay pinayagan ng Diyos
na madamay. Ito ay katanungan na
walang kasagutan.
Marami rin tayong mga tanong na walang kasagutan. Maging si Jesus noong Siya ay nakapako sa krus ay nagtanong din sa Diyos: “Diyos ko, Diyos ko bakit mo ako pinabayaan.” Namatay Siya na hindi nakatanggap ng sagot. Pero pagkalipas ng tatlong araw muli Siyang binuhay ng Diyos. Yon ang sagot. Marami tayong hindi alam pero nakatitiyak tayo na sa huli, ang Diyos ang magtatagumpay kasama tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022