Ebanghelyo: Mateo 2:13-15, 19-23
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Pagkamatay ni Herodes, napakita sa panaginip ang Anghel ng Panginoon kay Jose at sinabi: “Bumangon ka’t dalhin ang bata at ang kanyang ina at umuwi sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga nagtangkang pumatay sa bata.” Kaya bumangon si Jose, kinuha ang bata at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel. Ngunit nang malaman ni Jose na si Arkelao ang hari ng Judea, na kahalili ng kanyang amang si Herodes, natakot siyang pumaroon. Kaya ayon sa ibinilin sa kanya sa panaginip, sa Galilea siya nagpunta. Nanirahan sila sa bayang tinatawag na Nazaret. Kaya natupad ang salita ng mga propeta: “Tatawagin siyang Nazoreo.”
Pagninilay
“Ang pamilya ay bahagi ng plano ng Diyos.” Sa ating Mabuting Balita, iniligtas ni Jose ang anyang mag-anak mula sa kawal ni Herodes.Tinupad ni Jose ang tungkulin na ibinigay sa kanya ng Diyos, maging ama ni Jesus, kahit na hindi talaga siya ang tatay niya. Tunay ngang matuwid na tao si Jose na sumunod sa sinasabi sa ating unang pagbasa mula sa aklat ni Sirac: “itinatag ng Panginoon ang kapangyarihan ng ama sa mga anak.” Ang pamilya ay bahagi ng plano ng Diyos simula pa noong likhain ang mundo dahil ang pagmamahalan ng ama, ina, at anak ay isang salamin sa walang hanggang pagmamahalan sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo sa kalangitan. Ang ating mga pagbasa ngayon ay nagbibigay ng mga iba’t ibang mga pamamaraan para maging banal ang ating pamilya: sa pagpapatawaran sa isa’t isa, sa paggalang ng mga anak sa kanyang magulang, sa pag-aalaga sa inyong mga magulang kapag matanda na sila, sa pagsunod sa asawa, at sa paghikayat sa mga anak na gumawa ng mabuti. Magsilbi sanang inspirasyon ang Banal na Pamilya Jesus, Maria, at Jose.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




