Ebanghelyo: Lucas 2:22-35
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon – tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.
Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”
Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”
Pagninilay
Hindi lamang pala sina Jose at Maria ang nakakaalam ng tungkol kay Jesus. Mayroon ding iba na pinagpahayagan ng Diyos. Bakit sila at hindi kung sinu-sino? Hindi natin alam. Diyos ang pumipili ng nais Niyang pagpapalain. Kaya ganun na lamang ang kagalakan ni Simeon noong maganap ang ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo. Nakita na niya ang Mesiyas, ang Tagapagligtas kaya handa na siyang mamatay.
Ano naman kaya ang ipinahayag ng Diyos sa bawat isa. Malamang hindi pare-pareho. Mayroon Siyang pinadadala sa ating mga tao upang sa pamamagitan nila ay malaman natin kung ano ang nais Niyang ipahayag. Kaya lang baka naman kumakatok na Siya sa atin pero hindi natin Siya nakikilala dahil iba ang ating hinahanap. Mahirap kasing tanggapin na ang isang pangyayari ay galing sa Diyos kung hindi ito ayon sa ating gusto. Halimbawa, may tao na lalapit sa atin upang humingi ng tulong. Sabi ni Jesus, Siya ay nasa mga katulad nila. Pero ayaw natin Siyang tanggapin at harapin. Hihingi Siya ng tulong. E di mababawasan ako. Kaya hindi ko Siya hinaharap. Si Jesus ay nasa kanya pero hindi natin nakita. Sayang, tapos sasabihin natin hindi Siya nagpapakita!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022