Ebanghelyo: Mateo 2:13-15, 19-23
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa- Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”
Pagkamatay ni Herodes, napakita sa panaginip ang Anghel ng Panginoon kay Jose at sinabi: “Bumangon ka’t dalhin ang bata at ang kanyang ina at umuwi sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga nagtangkang pumatay sa bata.”
Kaya bumangon si Jose, kinuha ang bata at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel.
Ngunit nang malaman ni Jose na si Arkelao ang hari ng Judea, na kahalili ng kanyang amang si Herodes, natakot siyang pumaroon. Kaya ayon sa ibinilin sa kanya sa panaginip, sa Galilea siya nagpunta.
Nanirahan sila sa bayang tinatawag na Nazaret. Kaya natupad ang salita ng mga propeta: “Tatawagin siyang Nazoreo.”
Pagninilay
Ang salaysay sa Ebanghelyo na ating nabasa ay may nangingibabaw na damdamin: takot. Natakot si Jose dahil balak ni Herodes na patayin ang batang si Jesus. Kaya kahit gabi lumakad sina Jose at Maria patungong Ehipto. Sinong magulang ang hindi matatakot? Noong namatay si Herodes sa pagbalik nila, nalaman ni Jose na ang namumuno ay ang anak ni Herodes. Natakot uli siya. Kaya nagbago ng plano kung saan sila titira.
Bahagi ng buhay ng tao ang pagkakaroon ng takot sa iba’t ibang kadahilanan. Pero ang pinakaugat ay ang panganib sa buhay. Ito ang naranasan ni Jose para kay Jesus. Sa pagiging tao, inilagay ng Ikalawang Persona ng Diyos ang sarili sa posibilidad na maaaring manganib ang kanyang buhay. Makakaranas Siya ng takot. Pero ang takot ay nagpapaalaala sa atin na may mga bagay na lampas sa ating kontrol. Wala tayong magagawa laban dito. Sa kabilang dako, ang takot ay maaaring paraan din upang matuto tayong magpakumbaba, alisin ang kayabangan na kaya natin ang lahat at matutong humingi ng tulong at awa mula sa Diyos. Natatakot ka ba? Kaya mo bang humingi ng tulong kay Jesus at magtiwala na hindi ka mabibigo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022