Ebanghelyo: Lucas 2:36-40
May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. alumpu’t apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Pagninilay
“Katuparan ng pangako ng Diyos.” Marami sa atin ay may tinitiis sa buhay. Ito man ay isang sakit, kumplikasyon, o taong mahirap pakisamahan ngunit kabahagi na ng ating buhay. Maaaring ito ang karanasan ni Ana sa ating Mabuting Balita na maaga pa lang ay nabiyuda na. Walumpo’t apat na taon na siya at marahil natiis niya ang pagkaulila dahil lagi siyang nasa templo at araw-gabing sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Kapag tayo ay nananalig sa Diyos, taglay natin ang isang katatagan na hindi bastang nagigimbal ng mga pagsubok ng mundong ito. Ayon nga sa ating unang pagbasa mula sa unang sulat ni San Juan, “lumilipas ang mundo kasam ang pagnanasa nito ngunit mag-pakailanmang nananatili ang tumutupad sa kalooban ng Diyos.” Ang Pasko ay pagdiriwang ng katuparan ng pangako ng Diyos sa kanyang bayang Israel. Ito rin ay nagsisilbing paalala sa atin na sa ating pagtupad sa kalooban ng Diyos at katapatan sa kanya, tulad ni Ana, magagawa nating mapagtiisan lahat ng pagsubok sa buhay at sa kahulihan masisilayan din natin ang pagliligtas ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




