Ebanghelyo: Lucas 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat. Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, dalawang bagay ang narinig natin sa mga taga-Nazaret: Una, “sumang-ayon silang lahat sa kanya”, ibig sabihin may mga kababayan si Jesus na lubos na sumalubong at isinapuso ang kanyang mga sinabi, lalo na ang mensahe ng kaligtasan. Sa kabilang banda, sinabi rin na “habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na ang galing sa kanyang bibig. At sinabi nila: ‘Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?’.” Hindi nila naunawaan kung paanong ang isang abang anak ng karpintero ay nangaral at nakapagturo nang may awtoridad at karunungan. Hindi nila maunawaan kung paano ang “anak ni Jose” ay maaaring magpahayag na Siya ang Mesiyas. Kaya mahalaga ang huling mga salitang binitawan ni Jesus: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” Ibig sabihin, sa gitna ng mga pagdududa, naroroon sa harapan nila at ngayon ay nasa harapan din natin ang payak na katotohanan na si Jesus, ang Sugo, ay ipinadala “upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha.” Nawa, masdan natin ang pagpapahayag ni Jesus na may mata ng pananampalataya, na sumasang-ayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




