Ebanghelyo: Lucas 5:12-16
Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang taong tadtad ng ketong doon. Nang makita Niya si Jesus, nagpatirapa Siya at nakiusap sa Kanya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Kaya iniunat ni Jesus ang Kanyang kamay at hinipo Siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y iniwan ng ketong ang lalaki. Iniutos sa Kanya ni Jesus: “Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka Niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na ini-utos ni Moises para magkaroon sila ng patunay.” Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa Kanya at pumunta sa Kanya ang maraming tao para makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Kaya madalas na mag-isang pumupunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.
Pagninilay
Madalas kong sabihin sa aking mga kaibigan na maaari akong mag-isa sa isang lugar ngunit hindi ako malungkot. Ang pag-iisa ay hindi nangangahulugan ng kalungkutan. Sa pag-iisa mas higit kong nararamdaman ang presensya ng Diyos sa aking buhay. Sa gitna ng maingay na mundo, kadalasan ang pag-iisa kasama ng Panginoon ay higit na nakakatulong upang makaranas ng katahimikan at mapanatili ang kaligayahan sa Panginoon. Nakakatulong ang pagiisa sa pananalangin. Inuugnay tayo ng panalangin sa Diyos, kalikasan, at kapwa. Kung madalas tayong kumonekta sa iba sa pamamagitan ng telepono, pag-text, email, facebook, twitter, at instagram, bakit hindi sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin? Ito ay walang bayad, sa halip na mag-load tayo upang makapagemail, atbp., ang panalangin ay nagbibigay sa atin ng biyaya ng Diyos nang walang halaga, nang walang bayad. Gayunpaman, nangangailangan ito ng ating libreng oras at atensyon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020