Ebanghelyo: Juan 3:22-30
Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at tumigil siya roong kasama nila at nagbinyag. Nagbibinyag din noon si Juan sa Ainon na malapit sa Salim dahil maraming tubig doon, at may mga nagsisidating at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatunayan mo, nagbibinyag siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat.” Sumagot si Juan: “Walang anumang makukuha ang isang tao malibang ibigay ito sa kanya ng Langit. Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi kong ‘Hindi ako ang Mesiyas kundi sinugo akong manguna sa kanya.’ Sa nobyo ang nobya. Naroon naman ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at galak na galak siya sa tinig ng nobyo. Ganito ring lubos and aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
Pagninilay
“Hindi ako ang Mesiyas kundi sinugo akong manguna sa kanya.” Ito ang pahayag ni San Juan Bautista. Misyon niya na “manguna” upang “ihanda ang daraanan ng Panginoon”. Kaya naman, nang tinanong siya ng kaniyang mga alagad tungkol kay Jesus, nilinaw niya na hindi siya ang inaasahang Mesiyas, kundi malapit na nilang makita si Jesus. Si San Juan ay tunay na may kababaang-loob. Batid niya na hindi siya ang sentro, kundi si Jesus. Isinasabuhay niya ang pagiging lingkod, sapagkat pangunahing katangian ng isang tunay na lingkod ay ang pagkilala na sa harap ng Diyos, tayo ay walang kabuluhan. Sa harap ng Diyos, tayong lahat ay mga abang lingkod. Bilang mga alagad ni Jesus, mga tagasunod ng Diyos, lagi nating alalahanin ang kahalagahan ng pagpapakumbaba, ang pagiging mababang-loob gaya ni San Juan Bautista. Kung tayo man ay hinahamon ng panibugho, alalahanin natin na bahagi ng kababang-loob ay ang pagkilala natin na tayo ay naglilingkod. Hindi tayo ang pinaglilingkuran.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




