Ebanghelyo: Marcos 1:29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya.
Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.”
At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pagninilay
Paghilom at panalangin. Hiniling ng mga alagad kay Jesus na pagalingin ang biyenan ni Simon at agad naman itong nilapitan at hinawakan ang kamay at naibsan ang lagnat. Sa rito ng pagpapahid ng langis sa maysakit, winika ni Apostol Santiago: “May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya’y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan.” Ang pagdarasal para sa mga maysakit at ang pagtulong sa kanila ay pagpapakita ng ating pagkalinga. Tulad ng mga alagad ni Jesus na nag-ulat sa kanya ng may sakit, maipakita nawa natin ang ating pagkalinga sa mga maysakit sa ating komunidad sa pamamagitan ng ating mga dasal at pag-agapay sa kanila na makatanggap ng Sakramento ng pagpapahid ng langis sa maysakit. Sa ganitong paraan, sila’y makakaranas ng kaginhawaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023