Ebanghelyo: Marcos 1:40-45
Lumapit sa kanya ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya.
Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
Pagninilay
Marumi at nakakahawa ang pagtingin sa taong may ketong kung kaya’t kailangang sila’y ihiwalay at ilayo sa komunidad. May kung anong dingding ang nasa pagitan ng ketongin at ng mga tao. Ang may ketong ay lakas-loob na tumawid sa pagitan at lumapit kay Jesus upang hilingin ang kanyang kagalingan. Maging si Jesus ay binuwag ang namamagitang pader nang kanyang hipuin ang kinakatakutang makahawa. Sa panahon ngayon, may iba’t-ibang mukhang ang sakit na ketong. Sila ang mga taong isinantabi ng lipunan at hindi na natutuunangpansin gaya ng mga maysakit, mga matatandang wala ng kumakalinga, mga kapus-palad na nawalan ng pagkakataong umunlad bunga ng hindi makataong sistema. Tulad ni Jesus, silayan nawa natin ang sanlibutan ng may awa at kalinga. Hilingin natin ang biyaya ng awa upang maging malapit ang ating mga puso sa mga wala ng nakakaalala at sa mga nasa mahirap na kalagayan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023