Ebanghelyo: Marcos 1:14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagongbuhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa; mga mangingisda sila. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy pa siya nang kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod niya.
Pagninilay
Nang nilapitan ni Jesus sina Pedro at Andres, sinasabi na “Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya”. Mas matindi naman ang nangyari kina Juan at Santiago na: “Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod niya.” Nakapagtataka. Bakit ganun na lamang nila kabilis na iniwan ang lahat ng kanilang ginagawa at sumunod agad kay Jesus? Ano kaya ang kanilang motibo para sa biglaang desisyong ito? Bilang mga tao, mahirap siguro na basta na lamang iwan natin ang lahat at sumunod sa isang taong hindi lubos nating kakilala. Ito ay dahil sa isang katotohanan: Nanalig sila na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Kay Jesus, naramdaman nina Pedro at ng ibang mga alagad na hindi ito isang pangkaraniwang pagtawag lamang, isa itong pagtawag sa bagong buhay na may pag-asa. Iniwan ng mga alagad ang lahat upang tumugon sa tawag ni Jesus. Tulad nila, maaari din nating iwanan ang lahat upang sumunod kay Jesus, na nag-aanyaya sa atin sa ningning ng kanyang liwanag. Sa katotohanan ay walang mawawala kung tayo’y tutugon sa tawag ni Jesus. Ibinibigay niya ang lahat para sa sinumang nagnanais sumunod sa kanya. Tulad ng mga unang alagad, pakinggan natin ang tawag ni Jesus at sundan ang Kanyang landas.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




