Ebanghelyo: Marcos 1:14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon Niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagongbuhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita Niya si Simon kasama si Andres na kapatid Niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa; mga mangingisda sila. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya. Nagpatuloy pa Siya nang kaunti, nakita naman Niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod Niya.
Pagninilay
Ang isang barya ay may dalawang mukha, ang magkabilang mukha ay mahalagang sangkap para sa tunay na pagkakakilanlan ng barya. Mayroon ding dalawang mahahalagang sangkap upang matukoy ang isang totoo at tapat na disipulo ni Jesus: ang iwan ang pamilya at materyal na mga bagay at ang sumunod sa kanya. Ang pagsunod kay Jesus ay nangangahulugang
pag-iwan sa anumang humahadlang sa daraanan. Mayroong dalawang magkasalungat na kilos sa pagsunod kay Jesus: baguhin ang ating mga gawi at manalig sa Mabuting Balita. Ang pagiging totoo at tapat na disipulo ni Jesus ay nangangailangan ng isang radikal na desisyon na tumalikod mula sa mga makamundong bagay at bumaling sa Panginoon. Ang Panginoon o ang mundo: walang kompromiso, walang pagbalimbing. Kailangang iisa lamang ang laman ng puso sapagkat sinabi niya, “Hindi ka makapaglilingkod sa Diyos at kayamanan” (Mateo 6:24).
© Copyright Pang Araw-Araw 2020