Ebanghelyo: Marcos 1:21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nagusap- usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay
“Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.” Ito ay mga salita hindi ng isang tao, hindi ng isang banal na tao, kundi ng demonyo. Kataka-takang masaksihan na aminin ng isang demonyo, isang tumataliwas sa kalooban at gawain ng Diyos na si Jesus, anak ng Diyos Ama ay “Banal ng Diyos”. Ibig sabihin, kahit ang mga tumutuligsa sa Diyos ay batid ang katotohanan na si Jesus ang Isinugong Tagapagligtas. Nasaksihan ng lahat ang ang kapangyarihan ni Jesus bilang Mesiyas. Sinabi nila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit ang maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” Sila ay nabigla sa dalawang bagay: una, napalayas ni Jesus ang demonyo sa katawan ng isang tao na naging dahilan upang siya’y ikahiya at isumpa ng mga Hudyo at pangalawa, sila na isang payak na guro gaya ni Jesus ay may angking kapangyarihan at sinusunod ng mga demonyo. Sa kanilang pagkabigla, hindi nila agad nakita ang nakitang katotohanan ng demonyo: kaharap nila ang Banal ng Diyos. Sa pagsasabuhay natin sa pagigi nating Kristiyano, nawa‘y makilala natin agad ang pagtulong ng Diyos sa buhay natin. Kung ang demonyo ay may kakayanang makita ang nasa harap niya, ang Banal ng Diyos, sa mga natatanggap nating biyaya sa araw-araw ay makita rin nawa natin ang presensya ng Diyos na dapat lagi nating ipagpasalamat.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




