Ebanghelyo: Marcos 1:40-45
Lumapit sa kanya ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
Pagninilay
Likas sa tao ang pagiging mapanghusga, lalo na sa aspetong panlabas o sa external beauty. Minsan, nakakalimutan natin ang kagandahang panloob or inner beauty. Sa ebanghelyo, kinasusuklaman ang lalaki ng lipunan dahil sa sakit niyang ketong. Kaya naman nang pinagaling siya ni Jesus, sinabihan siya na pumunta sa pari para masuri siya at mag-alay sa templo alang-alang sa pagkalinis sa kanya bilang patunay ng kanyang paggaling. Kaya hindi natin masisisi ang ketongin sa kanyang kasiyahan na nag-udyok upang ipahayag niya ang pagmamahal ng Diyos, na naramdaman niya sa pagpapagaling ni Jesus. Nawa, maging katulad tayo ng may ketong na ipinahayag ang pag-ibig at pagdamay ng Diyos sa buhay natin. Nasanay kasi tayo na pagtuunan ng pansin lagi ang mga bagay na negatibo, ang pag-usapan ang mga bagay na masama o pangit sa ating kapwa. Matutunan nawa nating pasalamatan ang mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. Ipahayag natin ang kaniyang kabutihan at pagmamahal, at ibahagi ang ipinagkaloob niyang biyaya sa kapwa, lalo na sa higit na mga nangangailangan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




