Ebanghelyo: Mc 2: 23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom – siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
Maliwanag kay Santo Tomas de Aquino kung ano ang kahulugan ng batas. Ito ay “ordinance of reason promulgated for the common good.” Kagalingan ng lahat ang layunin. Hindi ito nang-aalipin. Hindi ito nagpapahirap. Tao ang mahalaga sa pagpapatupad ng batas. Ang diwa ay pagibig. Ito rin ang mensahe ni Jesus sa ebanghelyo. Ang batas ay ginawa para sa tao. Ito ay para sa kanyang ikabubuti. Minsan ay mapangalipin ang batas. Hindi na ito nakatutulong kundi nagpapahirap sa tao. Nasisikil ang kanyang karapatan. Hindi na naisasaalang- alang ang kanyang kaligtasan. Nakatutuwang isipin na sa 1752 batas ng Simbahan na tinatawag na Canon Law ang kahulihang batas ay nagsasabi na ang kaligtasan ng kaluluwa ang pinakamataaas na batas. Isa lamang ang ating pamantayan. Walang iba kundi ang pag-ibig. Tunay na pag-ibig ang espiritu ng batas. Kaya ipinatutupad ang batas ay dahil sa pagmamahal sa tao upang siya ay maituwid at maakay sa tamang landas. Ang nagpapatupad ng batas ay dapat ding tumuon sa pagibig. Ito ang pangunahing patunguhin ng batas. Kapag pag-ibig ang namayani, hindi na pahirap ang batas kundi yakap ng pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





