Ebanghelyo: Marcos 2:13-17
Muli siyang pumunta sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad:
“Ano! kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil
ng buwis?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, malinaw ang pahayag ni Jesus, “Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan”. Ibig sabihin, sa pagtahak natin sa daan ng kabanalan, tayo’y tinatawag, makasalanan man o hindi, upang samahan si Jesus sa landas nang pagpapakabanal. Ang isang payak na maniningil ng buwis na katulad ni Levi ay tinawag ni Jesus, pinagkatiwalaan na maging isa sa labindalawa, at kalauna’y naging may-akda pa ng isa sa apat na opisyal na bersyon ng Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo. Makikita natin ang kapangyarihan ni Jesus na makita ang potensyal at kakayahan ng bawat tao sa kabila ng mga kakulangan natin bilang tao. Nawa’y maging aral sa atin ang kuwento ni Levi. Ngayo’y kilala na natin siya bilang si San Mateo na minsan ay hinusgahan at itinuring na makasalanan. Dumating si Jesus at siya’y tinawag. Mula noon, sinimulan ni Levi ang pagbabago at pagtahak sa landas ng Panginoong Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026



