Ebanghelyo: Marcos 2:18-22
At minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit sa Kanya at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay
Minsan ay mahirap kalimutan ang nakasanayan na. Hindi madali ang iwanan ang isang bagay na matagal nang nasa atin. Mahirap bitawan ang nakaugalian na sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng kahulugan at seguridad. Subalit minsan ay ito rin ang nagiging dahilan ng hindi natin pag-unlad. Sa kabilang banda, mainam din na maging bukas at handa sa kung ano ang bago; bagong ideya, bagong pananaw, bagong gawi. Umiihip ang Espiritu sa direksyon na gustuhin nito. Isang hamon sa atin na sundan ito at maging bukás sa bagong inspirasyon ng Panginoon. Patuloy ang paanyaya sa atin na makita ang espiritu ng kanyang pag-ibig sa iba’t-ibang lugar at iba’t-ibang pagkakataon. Maging bukás nawa ang ating mga sarili.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021