Ebanghelyo: Mt 12: 1-8 Naglakad noon si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi ba ninyo nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan ninyong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang walang-sala. At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
“Health is wealth.” Pero, maraming mga umaabuso ng kanilang katawan sa sobrang pagkain ng mga masasarap ngunit hindi nakakabuti sa kalusugan. May mga malakas din uminom ng alak at madalas na sasamahan pa ito ng bisyo ng paninigarilyo. May mga tao rin na madalas nagpupuyat at may kakulangan sa tulog sa araw-araw ng kanilang buhay. Marahil inaabuso ang katawan o napapabayaan dahil hindi pa nakaranas ng matinding sakit o kawalan ng kalidad na pamumuhay. Para sa isang tao na nakaranas na ng matinding sakit at mabigat na sitwasyon dahil sa laki ng gastos na kinakailangang pambayad sa doktor o sa pagbili ng gamot, ang pangangalaga sa kanilang katawan at kalusugan ay isa ng prayoridad sa buhay. Ito marahil ang diwa na hango sa Isaias 38:16, kung saan ang manunulat ay dumadalangin sa Diyos, “Panginoon, ibalik ang aking kalusugan, ibalik ang aking buhay.” Ang malubhang sakit ni Haring Ezekias (Isaias 38:1-6, 21- 22, 7-8) ay nagdala sa kanya sa bingit ng kamatayan. Umiiyak na nanalangin siya kay Yawe at nakita ang kanyang mga luha. Na dagdagan pa ng labinlimang taon ang buhay ni Ezekias dahil sa awa ng Diyos. Tayo ay inaanyayahan na magtiwala sa Diyos at manalangin sa kanya upang Kanyang mabiyayaan ng magandang kalusugan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





