Ebanghelyo: Marcos 3:20-21
Pagkauwi ni Jesus, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.”
Pagninilay
Sabi ng isang awit sa misa, “Hindi madali ang pagsunod kay Kristo. Maraming tinik sa ‘yong daraanan. Mabigat ang krus na ‘yong pinapasan. At naghihintay sa’yo ang kamatayan…” Tunay na hindi madali ang maging tagasunod ni Kristo. Tulad ng nangyari kay Jesus, hindi lahat ay tumanggap at nakaunawa sa kanya. Maging ang kanyang mga kamag-anak ay nagsasabing siya’y nasisiraan na ng bait sa kawalan niya ng oras na kumain man lang sa dami ng mga taong naghahanap at kailangan niyang paglingkuran. aTinanggihan siya ng mga taong hindi tumatanggap sa kanyang mensahe. Ito rin ang maaaring mangyari sa mga nais sumunod sa Kanya at makibahagi sa misyon ng pagpapahayag ng Ebanghelyo. Subalit kung tunay ang ating pagsunod, si Kristo mismo ang ating gantimpala. Nawa’y makibahagi rin tayo sa kanyang kaluwalhatian tulad ng Birheng Maria na naging tapat sa kanyang anak mula sa paglilihi hanggang sa paanan ng Krus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023