Ebanghelyo: Marcos 3:20-21
Pagkauwi ni Jesus, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.”
Pagninilay
Sa kasagsagan ng pagputok ng Bulkang Taal noong nakaraang taon ay hindi inalintana ni Henry ang panganib na dulot nito sa kanyang pagiging volunteer na tumulong sa pagpapalikas ng mga tao at maging mga hayop, patungo sa mas ligtas na lugar. Labag man sa kalooban ng kanyang pamilya, hindi pa rin niya binigyang pansin ang kawalang seguridad at kaligtasan na kanyang susuungin. Mukha ngang wala siya sa kanyang katinuan gaya ng iniisip ng kanyang pamilya subalit para sa kanya, may mga bagay na mas higit na mahalaga kaysa sa kaligtasan ng sarili. Mas nangibabaw sa kanya ang maigting na pagmamahal at pagtulong sa kapuwa, mangahulugan man ito ng pagsasakripisyo at pagaalay ng sarili sa iba. Hindi man siya lubusang maunawaan ng pamilyang nagmamalasakit sa kanya subalit naroon sa pagmamahal ang tunay niyang kapanatagan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021