Ebanghelyo: Marcos 3:13-19
At umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga
gusto niya. At lumapit sila sa kanya.
Sa gayon niya hinirang ang Labindalawa (na tinawag
din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at
maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan
para palayasin ang mga demonyo.
Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na
Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang
kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges,
na ang ibig sabihi’y “Sina Parang Kulog”; at saka si Andres,
at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng
anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas
Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Pagninilay
Ang pamahalaan ay nag-aatas
sa mga estudyante na magkaroon
ng on-the-job training
(OJT) bago ang kanilang pagtatapos
at bago sila kumuha ng licensure o
board exams. Ang layunin ng programang
ito ay upang ipakilala sa
mga mag-aaral ang kani-kanilang
mga propesyon at maranasan ang
kalikasan at pangangailangan ng
trabaho. Napag-isip-isip ko na ang
ginawa ni Jesus sa kanyang mga
apostol ay nagbigay-inspirasyon sa
pagsasanay na ito. Ang pagsasanay
ng mga apostol kay Jesus ay upang
matuto mula sa kanya, upang maisabuhay
nila ang kanyang mga turo
bago sila ipadala upang mangaral
at itaboy ang mga demonyo. Ito rin
ang pamantayan sa pagbubuo ng
mga pari at relihiyon bago ipadala
sa misyon. Gayunpaman, ang paghuhubog
at misyon ay para sa lahat
ng binyagang Kristiyano. Bilang mga
binyagan, lahat tayo ay tinawag
upang maging mga disipulo ni Jesus,
upang sundin ang kanyang paraan
ng pamumuhay at maging mga saksi
ng kanyang pagmamahal sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020