Ebanghelyo: Mateo 8:23-27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus. Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”
Pagninilay
“Bakit tayo matatakot?” “Bakit kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniniwala?” Bilang tao, lahat tayo ay may karanasan ng takot sa buhay. May natatakot sa sakit na cancer; may natatakot na mawalan ng trabaho; may natatakot na masira ang ugnayan sa pamilya; may natatakot sa
kamatayan. Ikaw, ano ang kinatatakutan mo? Paano mo hinaharap ang mga takot sa buhay? Sa ebanghelyo, pinuna ni Jesus ang maliit na pananampalataya ng mga alagad. Kasama nila sa Jesus sa bangka, alam nila na makapangyarihan si Jesus subalit natakot pa rin sila. Ang tunay na pananampalataya ay mayroong tatlong elemento. Una, pananaw: May Diyos na nakakaalam ng pinakamabuti sa atin at nais niya ang ating kaligtasan. Pangalawa, may pandamdam: Sa Diyos na ito na nagmamahal sa atin, ipinagkakatiwala natin ang ating buhay at kinabukasan. Kung kasama natin siya, bakit tayo matatakot? Pangatlo, may pagtataya: Itinataya
natin sa Diyos na ito ang ating mga pagkilos na ayon sa kanyang kalooban. Sa araw-araw, ating isasabuhay ang kanyang kalooban sa pagsunod sa kanyang mga banal na kautusan. Kapatid, takot ka pa rin ba?
© Copyright Pang Araw-araw 2025