Ebanghelyo: Mateo 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa
bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog
ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
“Dayuhan sa mundong ito.” “Dayuhan lamang ako sa lupaing ito.” Sa Bibliya, may tatlong uri ng tao na pinaboran ng Diyos: ang mga balo, mga
ulila at mga dayuhan. Hindi sila dapat pagmamalabisan o aapihin ninuman, sapagkat ang Diyos mismo ang kanilang makakalaban. Si Abraham at Sarah ay dayuhan lamang sa lupain ng Canaan. Ang mga anak ni Jacob ay naging dayuhan din sa Ehipto. At narinig ng Diyos ang kanilang daing nang sila’y pagmalupitan ng mga Ehipsyo. Kanyang isinugo si Moises upang dalhin ang bayang Israel palabas sa lupain ng pagka-alipin tungo
sa lupain ng kalayaan. Ang banal na mag-anak na sina Jesus, Maria at Jose ay naging dayuhan din sa Ehipto noong gustong ipapatay ni Herodes ang bagong silang na hari ng mga Judio. Sa isang banda, lahat tayo ay dayuhan lamang sa mundong ito. Tayo’s isinilang sa mundong ibabaw subalit hindi ito ang ating permanenteng tahanan. Si Jesus ay mauuna upang ipaghanda tayo ng matutuluyan sa bahay ng Ama. Kaya huwag tayong mabalisa huwag tayong malungkot, magtiwala tayo sa Diyos at magtiwala kay Jesus. Sa araw na ito, alalahanin natin ang mahigit 10 milyong Filipino na nakatira sa ibat-ibang bahagi ng mundo. Gayundin, ating ipagdasal ang mga migrante na umaalis sa kanilang sariling bansa upang humanap ng mas magandang buhay para sa kanilang pamilya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025