Ebanghelyo: Mateo 9:14-17
Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang
mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
Pagninilay
“Wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Lahat ng “major religions” sa mundo ay may elemento ng “Pagaayuno”. Ang mga kapatid nating Muslim ay mayroong “Ramadan” kung saan sa loob ng isang buwan, kakain lamang sila sa gabi, buong araw wala silang kakainin. Ang mga Hindu, ang pag-aayuno ay ginagawa upang linisin ang katawan and isipan at makatanggap ng biyaya. Ginagawa nila ang pag-aayuno sa “Ekadashi” na dalawang beses sa loob ng isang buwan. Ang mga Buddhist monks, pagkatapos ng lunch ay mag-aayuno na upang magnilay sa mga Buddhist Texts. Sa tanong na “Wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad,” ito ang naging kasagutan ni Jesus: “Pwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyong sila mag-aayuno.” Sa matagal na panahon, ang mga Israelita ay nagdarasal at nag-aayuno upang dumating na ang Mesiyas na ipinangako ng mga propeta. Dumating na si Jesus, siya ang nobyo na nagdadala ng kagalakan sa mga abay. Subalit siya’y aagawin ng mga kalaban, ipapapatay, sa araw na iyon ang mga abay ay magaayuno.
Matapos ang kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit, hinihintay natin ang muling pagdating ni Jesus sa mga huling araw, at bahagi ng ating paghahanda at paghihintay ay nag-aayuno tayo. Sa pag-aayuno, dinidisiplina ang ating katawan at mga hilig nito. Sa pag-aayuno, tayo’y nakikiisa sa mga kapatid nating nagugutom dahil sa kahirapan. At anuman mayroon tayo ay ating ibinabahagi sa kanila sa diwa ng Alay-Kapwa. Sa pag-aayuno, ating idinedeklara na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2025