Ebanghelyo: Mt 9: 18-26
Habang nagsasalita si Jesus sa kanila, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika at ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat naisip niya: “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Jesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon. Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Pagninilay
Isa sa mga hormone na pinagmumulan ng motibasyon upang makagawa ng makahulugang kilos na may galak sa kalooban ay ang dopamino (dopamine). Ito ay isang neurotransmitter o tagadala ng
mensahe sa mga neurons (nerve cells). Kapag ang tao ay nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga dahil sa kanyang nagawa o nalikha, nakapagpapalabas ang utak ng mga dopamino na nagdadala ng mensahe sa mga neuron na nagbibigay kaligayahan at magandang pakiramdam ng pagkatagumpay na siyang nagtutulak sa tao na ipagpatuloy o higitan pa ang magandang nagawa. Sa ebanghelyo, dalawang tao ang nakaranas ng kakaibang kapangyarihan ni Jesus na bumuhay sa patay at ang mapagaling ang sinumang may sakit o may masamang pakiramdam. Ang pangulo ng sinagoga na namatayan ng anak na babae at ang babaeng labindalawang taon nang dinudugo ay may mga pagkakahalintulad. Pareho silang may malakas na pananalig sa kapangyarihan ni Jesus bilang tugon sa kanilang pinagdadaanan sa buhay. Pareho rin silang nagpahalaga sa katauhan at kabutihan ni Jesus. Hindi lahat ng taong nakakasalamuha ni Jesus ay nanalig at nagtiwala sa kanya. Ang biyaya ng pananalig at pananampalataya ay pinto sa mas maraming kabutihan at himalang maaaring maganap sa ating buhay.
© Copyright Pang araw-araw 2024