Ebanghelyo: Mt 9: 32-38
Nang makaalis na ang mga ito, may nagdala naman kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng mga
demonyo.” At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa.
Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”
Pagninilaay
Magkaiba ang pamantayan ng mundo (standards of the world) sa pamantayan ng Panginoon (standards of Christ). Ang mga taong makamundo ay madalas na gahaman sa salapi at sa mga panandaliang
kasiyahan na inaalok nito. Ang buhay ng makamundong tao ay umiikot sa mga materyal na bagay, na ginawa niyang mga diyos-diyosan at nagiging dahilan sa paglayo ng tao sa tunay na Diyos at sa Kanyang mabuting plano na nag-aalok sa tao na makamit ang buhay na walang hanggan. Sa ebanghelyo, nananawagan si Jesus sa kanyang mga alagad na manalangin sa Ama na magpadala ng mga manggagawa na nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian. Alam ni Jesus na kakaunti ang mga tao na namumuhay ayon sa Kanyang pamantayan. Mas marami ngayon sa mundo na umiikot ang kanilang buhay sa kanilang sarili lamang at sa mga bagay-bagay na patungo sa landas ng kasalanan at kamatayan. Bilang mga nabinyagang alagad ni Jesukristo, tayo ay tinatawag na gumising sa ating mahimbing na pagtulog upang gawin ang misyong itinalaga ng Panginoon. Tayo ay inaanyayahan na makilahok sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos at maging manggagawa na isinasabuhay ang pamantayan ng Diyos dito sa mundo.
© Copyright Pang Araw-araw 2024





