Ebanghelyo: Mc 6: 7-13
At tinawag niya ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
Pagninilay
Maraming mga bagay at mga pangyayari sa buhay na sadyang hindi natin lubos na maintindihan o mauunawaan, lalo na kung gagamitan lang natin ng utak o talino upang arukin ang mga kahulugan nito. Mas mainam at nararapat na gamitin natin at tingnan ang mga nagaganap sa buhay gamit ang ating puso at ang ilaw na galing sa pananampalataya. Sabi nga ng isang kakilala ko, “there are many incidents and events in our life that are best viewed in the light of faith.” Ang pagtingin sa buhay bilang isang napakagandang biyaya na mula sa Diyos, na siyang lumikha sa atin, ay nakakapagbigay ng mas malalim na pagtingin sa mga tao, sa mga pagkakataon, sa mga pangyayari, at sa mga maraming naganap sa ating buhay. Kapag ginagamit natin ang lente ng pananampalataya, mauunawaan natin na sadyang totoo nga na sa buhay natin “nothing happens by chance,” at ang lahat ay ayon sa isang malawak na plano o kalooban ng tunay na Diyos na nagmamahal sa atin. Naniniwala ako na ito lang ang tamang paraan upang maarok ang tunay na kahulugan (MEANING), kahalagahan (SIGNIFICANCE), at kabuluhan (RELEVANCE) ng ating buhay dito sa mundo. Upang makatulong para magkaroon ng mas malalim na pananaw sa buhay, tingnan natin ito sa balangkas ng BOKASYON – MISYON. Malinaw para kay propeta Amos na siya ay tinawag o kinuha ng Diyos upang maging tagapagsalita ni Yahweh sa bayan ng Israel. Ganito rin ang pananaw ng labindalawang alagad ni Jesus. Alam nila na tinawag at pinili sila ni Jesus upang isugo at ipahayag ang Mabuting Balita sa sangkatauhan. Mainam na alamin din natin ang layunin ng Diyos kung bakit niya tayo nilikha at binigyan ng buhay dito sa mundo.
© Copyright Pang Araw-araw 2024