Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pa bulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
Pagninilay
Sa huling pakikipag-usap ni Jesus tungkol sa kanilang misyon, nagbigay siya ng pag ti tiwala sa kanyang mga alagad sa kanilang pagharap sa mga kahirapan ng misyon. Hindi dapat matakot sa bagay na pumapatay sa katawan; ang lahat sa mundo ay lumilipas lamang. Ang kaluluwa ng tao ang mananatili at ito ang kailangan na ingatan at pagtibayin. Sa katapusan, ang lahat ay babalik sa Diyos na Siyang nagbigay ng buhay sa tao. Ang ating buhay ay magiging makahulugan at mabunga hindi dahil sa mga ari-arian na ating nakamit o naitabi habang tayo’y narito sa mundo. Ang buhay na makahulugan at mabunga ay ang buhay na inihahandog ang sarili upang makapagbigay ng buhay para sa iba. Tulad sa binhi na kailangan tumutubo at kalauna’y mamamatay sa lupa upang mamunga nang mas marami. Huwag matakot, manalig sa Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





