Ebanghelyo: Mateo 13:1-23
Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!”
Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?” Sumagot si Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Langit, ngunit hindi sa kanila. Sapagkat ang meron ay bibigyan pa at sasagana pa siya. Ngunit ang wala ay aagawan pa ng nasa kanya na. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakakaunawa. Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: “Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakaka unawa; tumingin man kayo nang tumi ngin, hindi kayo nakakakita. Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tainga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang puso, upang bumalik sila at pagalingin ko sila.” Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig. Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita. Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
Pagninilay
Mayroong magsasaka na nagsabi: “walang lupa na hindi natataniman dahil kahit sa ibabaw ng Simbahan, merong tutubo na tanim kahit walang lupa.” Ang salawikaing ito ng magsasaka ay nagpapahiwatig na ang pagtubo ng tanim ay nakasaalang-alang sa pag-aalaga ng magsasaka sa kanyang lupa upang maging mataba at dapat taniman upang tumubo talaga ang binhi. Gumamit si Jesus ng kuwento ng tagapaghasik ng binhi kung saan kanyang inihalintulad ang Salita ng Diyos sa mga binhi. Ang lahat ng binhi na hindi angkop sa tamang uri ng lupa ay kinain ng ibon, namatay sa matinding init, at natabunan ng damo hanggang walang hindi na tumubo. Anong mga ibon, matinding init, at mga damo na humahadlang sa pagtubo ng binhing dala ng Salita ng Diyos sa ating buhay? Hindi kaya nagkulang tayo sa pag-aalaga sa lupa ng ating mga puso upang ito’y maging mataba at handa sa pagtanggap sa Salita ng Diyos upang tuluyang tumubo? Ang Salita ng Diyos ay biyaya na kaloob na tumutubo sa bawat isa sa’tin. Kung ito’y tutubo, mamumunga tayong marami at makikita ito sa ating pamumuhay, asal, ugali, at mga gawi. Tulad sa magsasaka, kailangan din tayong magsumikap sa paghahanda sa lupa ng ating puso upang maging handa sa pagtanggap sa binhi ng Salita ng Diyos. Pinapaalalahanan tayo ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma na pagkatapos ng ating mga pagsusumikap, at sakripisyo sa pagpapanatiling mga anak ng Diyos, mayroong kaluwalhatiang naghihintay sa atin. Ang buhay na namumunga ay susuklian ng Panginoon sa panahon ng anihan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





